Ganun din naman kapag nagsasalita ako ng Tagalog. Alam nila na Inglesera ako pero minsan napapakamot ng ulo ang mga kakilala ko kapag nakikipag-talastasan ako sa isang Batanguenyo o Marinduquenyo.
Taal na Cavitenyo ang ama ko, at ang lola ko, kahit na matagal na siya sa Amerika, ay hindi pa rin marunong mag-Ingles. Malalim talaga siyang mag-Tagalog.
Pero ang totoong sikreto ng aking kakayanan sa Tagalog ay: Valentine Romances Pocketbooks.
Likas akong mahilig mag-basa. Minsan, isang tag-araw, sobrang batong-bato ako na nahiram ko na halos lahat ng libro na nasa aklatan malapit sa amin. Katorse ako noong panahon na iyon. Kaya ayon, pati yung Valentine Romances eh pinatulan ko na. Ang Valentine Romances ay maihahambing sa Mills and Boon, Tagalog nga lang. Nakaka-aliw palang magbasa ng Valentine Romances kasi akala mo eh maguuwi na sa kama yung istorya...eh hindi pala lol. Nakalimutan kong CENSORED pala ito dahil Pilipinas 'to teh, hindi Amerika.
Kaya sa mga taong ayaw mag-Tagalog o di kaya eh likas na Inglesero/a dahil sa pagpapalaki sa kanila...nakakalungkot isipin ito dahil malaki ang nawawala sa isang Pilipino kapag nakalimutan niya na ang ating wika ay hindi lang nagpapayaman sa ating kultura, kungdi nagpapayaman din sa dunong ng utak natin. Alam niyo ba na ang taong matatas magsalita ng dalawang wika ay mas madaling matuto ng ikatlong wika? Na nakakaligtas sa pagiging ulyanin ang kaalaman ng higit sa isang wika?
Kaya hayan, mga kababayan. Tandaan niyo ang sinabi ni Jose Rizal: Ang hindi marunong mag-mahal sa sariling wika ay daig pa ang mabaho at malansang isda. BOW!
